Showing posts with label Poems in Filipino. Show all posts
Showing posts with label Poems in Filipino. Show all posts

Monday, June 23, 2008

Dalawang Tula Tungkol sa Baguio


ANG PAG-IBIG NG BAGUIO


Malamig ang pag-ibig ng Baguio
kasinlamig ng mga mata mo
O irog ko.
Ang mga mata mong
di nakatitig sa aking pag-iisa:
dalawang ilog na dumadaloy
patungo sa puso ng iba.

Nagiging yelo ang puso ko
dahil sa lamig ng labi mo
O mahal ko.
Tulad ng Baguio,
ang dampi ng iyong halik
ay kasinlamig ng habagat,
pinamamanhid ang aking balat.

Nakapatong sa mga balikat ko
ang mga nanlalamig na daliri mo
O sinta ko.
Ang mga daliri mong
kasinlamig at kasimbango
ng mga punungkahoy ng Baguio:
mga berdeng kandilang nakatirik

sa libingan ng aking pagnanasa
sa puntod ng aking pag-asa.


******************************************************

BAGYO NG ALAALA, ALAALA NG BAGUIO


Binabagyo ako ng mga alaala.

Amoy pine trees ang simoy ng hangin.

May nalimutan ba akong gawin
kaya’t ako ngayo’y inaabala
ng mga imahen?

Sarisaring simbolo ang gumagambala
sa puso ko’t diwa,
hinihiwa
nila ang aking damdamin,
gaya ng paghiwa ng mga Igorot
sa tigang na lupa
para malikha
ang Banaue
Rice
Terraces.

Ang isipan ko naman ay binubulabog
ng mga tunog ng kalikasan:
Ang mga kuliglig na kumakanta
ng kakaibang melodiya...
Ang mga ibon na humuhuni
sa Burnham Park ng aking guniguni...

Nararamdaman kong umiinit
ang aking katawan
nang ang iyong mukha sa aking isipan
ay nasilayan.
Ang iyong mukha
na nagpapatunaw sa ginaw
na dala ng bagyo ng alaala,
ng alaala ng Baguio...

Ano ba ang nagawa kong kasalanan
at ayaw akong iwanan
ng mga nagliliyab mong larawan?

Sumpa


SUMPA

If love is a yearning to be like (even to become)
the beloved, then hatred, it must be said,
can be engendered by the same ambition,
when it cannot be fulfilled.

-Salman Rushdie,
The Satanic Verses


Isinumpa kita:
Hindi ka liligaya sa piling ng iba
habang ako ay nag-iisa sa kama,
binabalutan ng kumot ng kalungkutan,
nakapatong ang ulo sa unan
ng pinakamalupit na pangungulila.

Isinumpa kita.
Sa kabilugan ng buwan,
nagsindi ako ng maitim na kandila
at ibinulong ko sa hangin
ang lihim na panalangin, ang orasyon
para sa mga mangingibig
na hindi marunong magmahal.

Isinumpa kita,
paulit-ulit --- umaga, tanghali, gabi ---
tuwing nakikita ko sa iba ang kaligayahan
na ipinagkait mo sa akin;
sa mga oras na naaalala ko
ang iyong maiinit na yakap at halik,
ang pitik ng iyong puso.

Isinumpa kita.
Ang pinakamabisang gayuma
ang ginamit ko laban sa iyo,
na walang iba kundi ang tindi
ng aking pag-ibig na binaliwala mo
at naging marubdob na poot ---

Isinumpa kita, dati kong sinisinta:
Hindi ka liligaya sa piling ng iba!

-Ralph Semino Galán