Friday, November 12, 2010

Paalam Ophelia Alcantara Dimalanta...

Tanawing Walang Hadlang

Dahil nasunog ang aking kamalig
Wala nang humahadlang sa tanawin
Ng pinakamaliwanag na buwan.

-Masahide

oo, kitang-kita ko na ngayon
ang pangkalahatan ng kalangitan;
walang mga punong umuusbong,
walang nagtataasang hadlang
na pumipigil sa pagdaloy nito.

ang lahat inaangkin ko, gaya ng
pag-angkin nito ng buo kong pagkatao,
malinaw ang mata at walang abala.

parang bang tinitingnan ko ang mundo
sa kagandahan ng kanyang kawalan,
gamit mga bagong mata, bagong kaluluwa.
lahat ng mga linggal at mga pagbabawal
ng mga nakaraan kong buhay nalipol,
kasing linis ng kumot na kinula.

wala nang natira pa.

tila isa akong tabula rasa,
walang balakid na nakatingala
sa langit na hindi kumikinang,
ang buwan di natitigatig, buong-buo,
walang palawit kaya walang
sabit... bukod-tanging nag-iisa,
at ako na walang buhay na nakaraan;
at ang bukas ko ay kailangan pang
isulat muli para sa bagong pagkabuhay.

walang kapansin-pansin na mga palatandaan
ng dating ako dito habang nakatingala
sa isang malayang dumadaloy na langit
at sa nag-iisang buwang walang palamuti,
ngayon ako’y magsisimula muli sa pagtatag
ng mga kawing, makisama, tumutok,
habang kinakatha ko sa gabing ito ang akda
ng mga bagong araw na paparating, dito
mula sa isang tanawing walang hadlang.


(Salin ni Ralph Semino Galan ng tula ni Ophelia A. Dimalanta na pinamagatang "An Unobstructed View" from the poetry collection Lady Polyester: Poems Past and Present)

1 comment:

Belboy Blue said...

Hi. Nice poem.

May I have a copy of the original poem?

My email is hmrds77@yahoo.com.ph

Thanks.